Monday, January 24, 2011

PVX!

AAAAALLLLAAAARRRMMM!!!

Napakalakas ng ingay ang rumindi sa aking mga tenga. Napabangon ako ng wala sa oras at pilit hinanap ang pinaggagalingan ng ingay na iyon. Ayun! Isang maliit at hugis kwadernong makabagong bagay. Parang isang nakatayong salamin na nagpapakita ng mga numerong unti-unting nagbibigay linaw sa aking isipan... Pito, Tatlo at Itlog. 'Yun ang aking mga nakikita... Ay, anak ng inahing manok! Alas siyete y media na ng umaga! Anak ng pusang ligaw! Alas otso yung lakad ko!

Dalidali akong naligo, nagpalit at nagalmusal sa loob ng bainte minutos. Sampung minuto? Kakayanin kaya? Bahala na si batman, lastikman, mga plasticman at congressman!
"KKK!" paulit ulit ko na lang na binulong.

...

Buti na lang, ilang hakbang lang ang kailangan para marating ang terminal mula dito sa bahay. Bawat hakbang ko ay dalawang yapak ang katumbas. Mabilis at malalaking hakbang! Labas ng panyo at sabay punas sa mabutil na pawis mula sa noo. Naku, wag lang sana mabasa ang kilikili.

Nang makarating sa terminal, una kong napansin ang karatulang "Just press the red button! Enjoy your ride!". Walang pakundangan kong pinindot ang pulang button sa bandang kaliwa ng aking kinakakatayuan. Sa pagkakapindot ko nito, napalingat ako sa kaliwa't kanan ko. Lumakas ang hangin, at pakiramdam ko napaatras pa lahat ng pawis ko sa paglabas. Parang may sampung bus ang umarangkada papunta sa aking harapan. Palakas ng palakas ang hangin patungo sa akin hanggang sa nagtigil ito. Nanlaki ang aking mga mata. 'Yung masasakyan na pala. Buti na lang ganun kabilis na pumara. Nawala na ang kaba ko pagkaupo ko sa sasakyan. Tiyak mahahabol nito ang paparuonan ko sa oras na gugustuhin ko.

Wala akong kasama sa loob, ni wala nga itong driver. Ikaw ang pasaherong nakasakay at ikaw rin ang magsisilbing driver sa paraan ng paggabay sa mga pipinduting mga buttons. May mga instructions namang nakasulat sa loob. Makailang beses na rin akong nakasakay dito at sa awa ng Bathalain, 'di pa naman ako nagkakamali sa mga pinipindot ko. Nakakatuwa nga ang makabagong sasakyan na ito. Naka-automatic na sa wikang Filipino ang instruction pero pag napagtripan mo namang sa ibang lenguahe at alam mo iyon, you can translate it into different languages that you wished to. It covers most of the languages and dialects available in the world. Just click the 'Option' button, choose 'Languages' and select the language you want it be translated (at napa-Ingles naman na ako. Mukha tuloy promotional advertisement.)

Sa dalas nga ng pagsakay ko dito, ilang ulit ko ng nabasa ang mga instructions. Hindi nman lahat importante. Basta 'wag lang kakalimutan 'yung eksaktong address na pupuntahan at kung sa gaano kabilis mong ninaais makarating. 'Wag din mag-alala, kung hindi sigurado sa address. May available na mapa sa screen, pindutin lang at hanapin ang eksaktong lokasyon ng pupuntahan, i-copy ang address code at i-paste, siguradong makakarating ka sa ninanais mong puntahan. Pinili ko yung pinakamabilis 5minutong byahe papuntang Makati. Sa kahit gaanong kabilis, di mo mararamdaman ang mala-roller coaster ride na feeling. Relax lang. Sa katunayan nga may pagpipilian pa ng mga tugtuging nais mong pakinggan. Malamig at comportable sa loob, tiyak 'di mababasa ang likod at kilikili ko sa pawis. Ngayon ko lang napansin yung karatulang halos katapat lang ng noo ko, "Makabago, Ligtas at Mabilis; may anti-gravity system, safe modes at high- speed machine." Nauunawaan ko na kung bakit ganun kabilis ang biyahe. Di ko namalayang, nasa babaan na pala ako malapit sa building ng aking opisina. Anak ng tipaklong gudgurin! kung anu anu pa kasi ang napapansin ko sa loob ng makabagong sasakyan na 'yun.

Kahit gaano ako kainis sa pagkakababa ko, 'di rin maalis ang ngiti sa aking mukha. Nakita ko kasi sa bandang kisame ng sasakyan ang mga pangalang "Nanay Tonet", "Tatay 'Yan", "Lola Yee", "Lola Pao", "Ate Gee", "Kuya Dada", "Danda" at mga katagang "God Bless our Family." Parang jeep lang na nasakayan ko minsang bumisita ako sa National Museum, sampung taon na ang nakakaraan . May maliit na altar sa bandang front window din ng sasakyan. Pinoy na pinoy pa rin ang tema ng sasakyan kahit napakamakabago na ng naturing sasakyan.

...

Nagmamadali pa rin ako sa pagkakahakbang ko. Tatlong minuto na lang at magsisimula na ang meeting ko!

Elevator... Ting! Nagmamadali! Sinuot ko na ang itim kong suit. Lumapit na ang seksing sekritarya ko at inayusan ako ng kaunti. Pumasok ako sa conference room. Nakatayo ako sa harap ng gitnang upuan ng mahabang lamesa sa loob ng kwartong ito. Inilapit ko ang dalawa kong hinlalaki sa aking dila para mabasa. Pagkatapos ay ipinunas ko sa makakapal kong kilay. Nang makapagpahinga ng kaunti, binatay ko ang aking kamay sa upuan at naramdaman ko ang lamig mula sa bakal. Naramdaman ko rin ang kaluwangan sa paghinga. "KKK!" paulit ulit na bulong ko sa sarili ko.

...

Commercial. Natutunan ko ang "KKK!" sa isang pelikula ni Jon Marlord Cruz na ang pamagat ay "Ako, Ikaw at Siya ay Tanga." Ang ibig sabihin nito ay "Kayang Kaya Ko!", na lagi nyang binabanggit sa tuwing napanghihinaan siya ng loob. Ang pelikula ay isang life-story tungkol kay "Tasyo" na ginagampanan ni Jon Marlord Cruz, na nagpanggap bilang ibang tao para makapag-aral. Naging kanya ang talinong hinahangad pero hindi pa rin sya ang katotohanang tao sa likod ng ginagamit nyang pangalan. Kaakibat nito ang hindi pagsasabi ng kanyang sikreto maging sa dalawa nyang naging matalik na kaibigan na sina "Pedro" at "Maki". Kasama ni Jon Marlord Cruz ay sina Dingdong Abad Santos bilang "Pedro/ Pedring", Aljur Habrenico bilang "Maki" at introducing si Krissian Nacion bilang si "Maria" na siyang leading lady ni Jon Marlord sa pelikula. Pero balita ko, hinango ang pelikula sa isang Bollywood indimovie na sumikat noong 2010. Fin.

...

Mula sa kawalan, sumenyas na ng "thumbs up" ang aking seksing sekritarya. Pinatay na ang ilaw sa loob ng silid. Bumigla naman ang ilaw sa akin na parang spotlight sa stage. Parang mga kabuteng ilaw na nagsisulputan sa kanya kanyang harap ng kanikanilang mga upuan. Virtual meeting pala ang paagpupulong, akala ko kasi personal ko silang makikita at nagpahanda pa man rin ako ng ihahahain sa kanila. Lahat ng ka-meeting ko ay naka via-hologram. Imahe ng mga totoong tao na nagmula sa isang ilaw. Sa kanikanilang lugar naman ay isa lang din kong ilaw gaya ng iba. Parang totoong tao lang din na nakakapagsalita, nakakagalaw at nakakapagagawng mga tingin sa isa't isa. Ang kaibahan lamang ay hindi sila mahahawakan pero mararamdaman mo ang tesyon ng kanilang mukha lalo't kapag nagsimula na ang guera ng kanilang mga dila at bibig. Para nga silang mga hangin, hindi dahil sa hindi sila nahahawakan bagkus dahil sa mga salitang mga binibitawan nila para sa ikauunlad ng mga kompanya ngunit ni isa sa mga 'yun ay hindi rin naman nila nagagawa. Nasisismulan man ngunit taon pa ang lilipasin para makita ang kabuuan.

Nagsimula na ang pagpupulong, nagsimula na rin ang guera mula sa mga masasangsang nilang bibig at nagsimula na rin ang palakasan ng kanilang mga hangin. Hindi naman ako importante rito, wala rin naman akong pagkakataong magsalita. Halos 'di natatapos ang aking mga sinasabi kasi kapag nakuha na nila ang nais kong iparating, isa sa kanila ang susupalpal at palalabasing ideya niya ang kanyang binabanggit. Hindi rin naman nila ako kailangan dito, puro hangin lang ang lumalabas sa kanilang mga umaalingasaw na mga bibig. Hindi ako kailangan dito kasi nagtotutbrash ako!

Kaya lang siguro ako naanyayahan dito ay para maging manunuod sa kanilang walang saysay na mga talumpati. Mga talumpating payak at naglalaman ng mga kagandahan ng mga kanyakanyang kompanya. Lingid sa kanilang mga kaalamanan ay napagsasawaan na rin ng mga masang Pinoy. Marahil din ay para tumayo bilang isang witness, in-case magpatayan sila dahil sa mga nakakainsulto nilang mga baliktaktakan. Para may hahabulin silang testigo kung sino ang mga nagbantaan habang nasa pagpupulong.

Aabutin ang maghapon para lang sa pagpupulong na ito. Ang pagpupulong na ito ay kinabibilangan ng dalawang kinatawan mula sa isang kompanya. May apat na sister companies at idagdag pa ang tatlong executives at ang isang bulinggit na ako. 'Yung apat na kompanya ay inatasang magreport ng mga bagay bagay tungkol sa kanikaniyang kompanya para malaman ang mga pangangailangan ng bawat isa. Halos bawat kumpanya ay nagagamit ang halos isang (1) oras na pagsasabi ng kanikanilang kalakasan at limang (5) minutong pangangailangan, magkukumento ang tatlong executives na inaabot ng 30mins ang bawat isa at limang (5) mins ang nakalaan para sa akin at 30mins ulit para sa hayop na susupalpal sa akin. May 1 hour na lunch break na halos abutin ng 3oras at di pa magpapatawad ang dalawang merienda; isa sa umaga at isa sa hapon. Talagang inaabot ng isang buong araw ang pagpupulong. Isang araw na pagsasayang ng oras. Walang kwenta. Sana 'di rin ganito sa senado.

Hindi na naman ako nakikinig sa pagpupulong, wala rin namang pinagkaiba. Kung anu-ano na lang mga naikukuwento ko. Kung hindi mo naalala, ako si Antonio San Jose. Nagkabangga tayo sa isang building sa Paris... Paristern University! Kwela lang, ni hindi pa nga tayo nakakalabas ng bansa. Isa na ako ngayong Business Associate ng isang malaking kompanya na may apat na sister companies, sa kasamaang palad. Mayroon akong seksing sekritarya pero di rin ako ang nagpapasuweldo sa kanya. Napakagandang pakinggan ng trabaho ko, pero ang tangi ko lang gampanin ay panatilihin ang pagkakasama ng mga sister companies, 'yun yung nasa job description ko pero sa nakikinita ko ngayon ay taga-attend lang talaga ako ng mga meetings nila.

Hindi rin naman ito ang gusto kong gawin sa buhay kaso pinilit ako ng mga magulang ko para pasukin ang ganitong propesyon. Dito raw kikita ng malaki, dito raw kami yayaman. Maraming kwento na rin ang naririnig ko sa pamimilit kaya ayus lang sa akin, hindi ako nagiisa... ang dami namin. Mga kawawang nilalang. Ayus lang sa akin, ayus naman ang buhay ko. ikaw? Sana ganun din sayo.

Ang dami ko nang nasabi na kung anu-ano lang, pero di pa rin tapos ang baliktaktakan ng mga anak ng itlog ng pagui na mga 'to!...ilang minuto ang nakalipas at di parin tapos. Ang saya, sa kasamaang palad!... nakalipas ulit ang ilang minuto, biglang tumahimik ang lahat. Hindi ko namalayang tapos na ang pagpupulong. Inaayos na ang conference hall. Isang araw na nasayang. Ang saya!

...

Nakasakay na at naipindot na ang mga dapat ipindot. Nilagay ko sa pinakamabagal na mode ang paguwi ko. Nagpatugtug ako ng mga mababagal na kanta, nang makarelax matapos ang guera, nang uminahon ang maingay na dagat, at bumalik sa kanikanilang kubli ang mga maiingay na bubuyog.

Habang nagmumuni-muni, napalingat ako sa mga kalsadang nadaraanan. Maayos ang biyahe sadyang nakakakalma. Tatlo ang lane ng mga nagliliparang sasakyang. Ang una ay para sa mabagal na pagusong. 'Yung mga tipong walang hinahabol, walang inaalala at 'di natatakot na masampal kapag nahuli sa kanikanilang lakad. Mabagal ang usad dito. Ang ikalawa ay para sa mga mejo nagmamadali lang, mahinahon lang ang usad ng mga makabagog sasakyan. Ang mga palagiang nasa lane na ito ay yung mga grupo kung sumakay. Inaabot sa 4 hanggang anim na pasaheros ang kayang isakay ng makabagong sasakyan na ito. Ang ikatlong lane ay para sa mga nagmamadaling tulad ko. 'Yung mga tipo ng tao na kung gumisisng ay limang minuto bago sa takdang oras ng mga pagkikita. Hindi naman nagiging ganun ka-busy ang lane na ito. May mga sensors ang sasakyan para kung sa kaling may masasalubong iba pang nagamamadaling sasakyan. Maaari itong unahan ang makakasalubong dipende sa pangangailangan ng oras. Dahil sa makabagong paraan ng transportasyong ito, nawala ang pangamba sa ilang taon nang nireresolbang traffic, mga iniiwasang mga road codings at mga pulis na nangongotong sa mga suwail na nagmamaneho. Kaya siguro umaasenso ang bansa, wala nang nananakaw na mga pera.

Pinalitan ng gobyerno lahat ng jeep, tricycles, motorsiklo at mga sasakyang ginagamit sa kalsada. Lahat ay pinalitan ng makabagong sasakyan. Disenyong Pinoy at ginawa para sa mga Pinoy. Nakikilala na to sa buong mundo at pilit paring ninanakaw ng mga sakang na hapon, mapusyaw na mga kano, mga higanteng europeo at mga singkit na intsik. (at nagmukha naman akong racists sa statement kong yun...tabi tabi po, ang tamaan ay di umiilag.) Naalala ko tuloy 'yung nabasa kong article sa isang libro. Minsang nakilala ang Pilipinas sa milagrosa nitong palay hanggang sa nagkaroon ng convention na ang Pinas mismo ang hosting country. Kasama rito ang siyensya sa likod ng milagrosang palay. Makalipas ng convention na iyon, ay nailipat na sa isang karatig bansa ang koronang minsan na naging nasa Pinas. Sana 'di na maulit ang pangyayaring iyon.

Basta Pinoy ang sasakay, ang maii-scan sa national ID. Libre ang pamasahe, may nakalaan na pera from National Budget ang mga ginagamit na resources para magpatuloy ang pagaandar ng mga makabagong sasakyan na ito. Basta meron yung National ID, libre ka.

...

Habang labing limang talampakan ang layo ko mula sa lupa, napalingat ako sa kanang bintana. Nakita ko ang mga matatandang simbahan. Maihahalintulad sila sa mga basag na salamin, pilit na binubuong muli ngunit masisilip pa rin ang lamat. Lamat ng nakaraan, lamat ng kasarimlan, lamat ng mga pangyayaring kaguluhan. Saksi ang mga umiiyak na ulap, ang malungkot na sinag ng araw at lamig na yakap ng hanging dumaraan. Umulan ng apoy, hindi, inulan ng apoy ang mga simbahan. Mga apoy mula sa mga makasalanang kamay ng mga ignoranteng isipan. Masasabi ba nating ignorante sila o malakas lamang ang kanilang kalooban upang ipaglaban na ang mga naaaping nasasakupan nito? Kung iyong masisilayan, marka parin ang pangingitim ng mga pader, mga basag ng bintana at pagkakaputol ng pinapangalagahang krus.

Umugat sa kabulastugang ginawa ng mga nakaraang arsobispo ng Pinas. Ayon sa aking mga nabasa, maaari kong sabihing nabuhay muli ang mga espanyol na unang dumaong sa Pinas ilang daan na ang nakaraan. Inabuso nila ang kapangyarihang hawak hawak nila laban sa kanilang mamamayan. 'Di naglaon, nabulag sa kapangyarihan ang simbahan. Tinawid nila ang pader mula sa simbahan patungong pulitika. Giawang puppet ang pamahalaan at namuno sa mga mamayan. 'Yung iba patuloy na naniwala samantalang ang karamihan ay umaklas laban sa simbahan. Nagkagulo, parang delubyo. Nagkaroon ng guera sa pagitan ng mga tao at maraming dugo ang puminta sa kalsada ng pula. Halakhak at mga katagang kaligtasan lamang ang sumbat ng simbahang namumulitiko. Lumakas ang pwersa ng mga taong ayaw sa mga nangyayari. Nanaig pa rin ang kagustuhan ng nararami. Wala na ngayon ang simbahang politiko. Basag na ang katoliko. Ang iba ay tumiwalag sa paniniwala, lumipat sa iba pang naghahain ng kaligtasan at ang karamihan ay basta naniniwala na lang na may diyos na maituturing. Diyos na magliligtas sa kanilang mga kaluluwa sa kanilang pagpanaw.

Sumalangit nawa ang mga kaluluwa ng mga taong kailangan pang maibuwis ang buhay para lamang maisaayos ang mga pagkakamali.

...

Malayo pala talaga ang Makati pauwi o sadyang ganun kabagal lang ang nai-set ko ng pagusad ng aking sinasakyan. Kahit ano pa man, di rin naman ako nagmamadali. Nasa bandang Nagtahan Bridge na ako. Sinusundan parin ng makabagong sasakyan na ito ang mga dati nang mga kalsada. Maayos at kakaiba na ang buhay rito sa Pinas. 'Di hamak na malayo na ang narating ng Pinas ngayon kung maikukumpara ang Pinas noon ayo sa mga napanuod kong mga lumang dokyumentaryo. Ngunit ang pinagtataka ko, bakit marami pa rin ang tinatawag nilang "Squatters." Sa nakikita ko ngayon, sa ibaba nitong tulay na 'to, kumpul kumpul ang tirahan nila. Mga batang malayo pa lamang ay amoy araw nang tingnan. Mga babaeng luyluy na ang mga hinaharap sa araw araw na nagpapagatas sa 3 magkakasunod na anak at mukhang nakikiagaw pa ang batugan nilang asawa. Mga payatot na ang hawak ay plastik na paulit ulit na sumisinghot. Bagsakan parin ang tawag nila sa ganitong lugar. Dito kasi binabagsak ang mga binebentang madamig gramo ng tawas at rolyo-rolyong tuyong dahon. Dito nga rin pinupulot mga pampalipasan ng gabi at pati mga mumurahing appliances. Naguluhan talaga ako kung ano ang Pinas ngayon.

...

Ppprrroooooottt! Kinabag naman ata ako dito sa kakabiyahe. Mukhang 'di lang ito kabag, mukhang kailangan ko nang magdeposito. Paparke muna ako sa may pinakamalapit na terminal. Sabagay, lahat naman ng terminal dito ay may palikuran. Pwede ngang matulog at mahiga dito sa sobrang linis. Sa terminal lang ang pwedeng babaan at sakayan dito. Nagsisilbi kasing charge station ng mga makabagong sasakyan na ito ang mga terminal. Infairness, wala masyadong karatula ang nasisilayan sa kalsada maliban lang sa pangalan ng lugar, paalala sa pagmamaneho at big screen advertisements. Bawat kanto ay may basurahan at transducer machine na kung saan ang mga kalat ay trinatransform into micro sizes. Kaya hindi rin uso ang "Bawal magtapon ng basura dito". Natutuwa pa rin ako sa nagiisang karatula dito na kulay pink. "Bawal tumawid! Nakakamatay!" ayon sa mga report na naririnig ko, hindi na binaklas ang naturang karatula para magbigay galang sa mga mambabatas na nagplano para gumanda ang serbisyo ng mga pangkalsada. Sa katunayan nababasa ko ang pangalan ng katabi nyang rebulto, Hon. Bayani Fernando. Tapos na ako magdeposito at tuloy na naman sa biyahe.

...

Ang operating system pala ng makabagong sasakyan ngayon ay ILYVir softwares. Isa sa mga nangungunang operating system softwares sa buong mundo. Nasa pamumuno pa rin ng pamilyang kinaugatan ng "I love you virus" ilang daang taon na ang nakakaraan. Napabalita kasing nakapagtrabaho ang mga sinaunang may ari ng kumpanya sa Microsoft Company at 'di naglaon, nakapagdevelop ang mga magbabarkada ng sarili nilang OS na 'di hamak na masmaganda kesa sa Microsoft.

Kung anu anu na lang piangsasabi ko dito. Mga bagay na kumukulitkulit sa aking isipan. Nakikita ko na rito ang bahay namin. Naamoy ko na rin ata ang alimuom ng imburnal o di lang talaga maganda ang sipa ng aking tiyan.

...

Anak ng suwail na sipon! Pati tiyan ko hindi nakikisama sa araw na ito. Kumaripas ako ng takbo patungo sa palikuran at umupo sa trono ng evacuation site. Parang hinilab pa ang tiyan ko kakairi! Mukhang 'di parin ayus ang aking tiyan. Nagpasya akong manatili muna dito sa evacuation center. Nanghagilap ng news stick na babasahin pampalipas oras na rin at pangkuha ng buwelo sa kumakaripas ko ring sikmura.

News stick. Isa pala syang metal stick na hinahawakan ang nakarolyong silicon screen sa loob. laman nito ay ilang pahina ng mga balita sa buong Pinas at maging mga balita sa ibang bansa. Naka-awtomatik na rin sa wikang Filipino but if you wished to translate it in English, you may do so...(at tinopak pati pagsusulat ko.. na-carried away pasesnsya.)

...

Ang mga sumusunod ay mga pawang article na binasa ko habang tumatambay sa evacuation center ng palikuran.

Page 1. Featured News.
DOLYAR NAGBABANTA SA PISO. Unti unting umaahon ang ekonomiya ng bansang Amerika mula sa pagkakalugmok sa mga utang nito ilang taon na ang nakakaraan. Matapos agawin ng Piso ang pwesto ng Dolyar sa pandaigdigang kalakalan apat na dekada nang nakaraan, ang Dolyar muling nagbabanta sa pagkakabalik nito sa pwesto. Sa muling pagahon ng Dolyar sa merkado at ang pagahon ng ekonomiya ng Amerika ay muling mangunguna sa pandaigdigang kalakalan at muling makikilalang isa sa pinakamalakas na bansa sa mundo. Sa untiunti nitong pagbangon ay mababayaran na nito ang mga napapabalita nilang utang sa World Bank, India, Sweden, at sa Pinas. Hindi naman nababahala ang gobyerno ng Pinas sa bantang ipinarating ng presidente ng Amerika dahil patuloy raw na aarangkada ang mga investments at lalo na ang buong ekonomiya ng bansa. Subaybyan na lang natin ang mga susunod na pangyayari patungkol dito.

Page 2. Featured News.
CORRUPT OFFICIALS: ISA KA BA SA KANILA? Matagal nang prinoproblema ng sambayanan ang paghahanap sa mga corrupt officials na walang alintana kung gamitin ang pera ng bayan para sa sariling kapakanan. "Mahirap tutunin ang mga ganitong tao!" sabi ng hepe ng PNP na si Supt. Manuelo Pasciano, na aming nakapanayam kamakailan. Dagdag niya pa na magagaling kasing magtago ng yaman ang mga nasabing mga uri ng tao. Hindi rin daw nahahalata dahil sa mga magagandang proyektong inihaharap nila sa publiko. At di rin madaling kalaban ang mga ganitong uri ng tao, pero ipinapangako ng buong kapulisan ng Pinas ang isang proteksyon laban sa anumang banta ng magmamalakas loob upang isuplong ang mga tao sa likod ng milagrong pangyayaring ito. Panawagan na lamang namin mula sa bumubuo ng diyaryong ito na nawa'y mailagay sa likod ng malamig na bakal ang mga maisasakdal sa kasong ito.

Page 4. Entertainment.
Hindi Usapang Tao!

Tanong: Ano ang sabi ni tae sa kapwa nya tae?
Sagot: Walang tulakan, pila pila lang!

Tanong: Ano ang sabi ni tae sa utot?
Sagot: Una ka na!

Tanong: Ano ang sabi ni tae kay inidoro?
Sagot: Catch me! Im falling!

Tanong: Ano ang sabi ni tae kay ihi?
Sagot: Sorry! magkaiba tayo nang landas! (sabay walk out!)

Tanong: Ano ang sabi ni tae kay rectum?
Sagot: Makikiraan po!

...

Hindi ko na tuloy napansin kung tapos na ako sa pagkakaupo ko rito nang dahil sa kakatawa pero mukhang ok naman na, wala naman nang hilab sa aking tiyan! Mastumatak sa 'kin yung usapang tae kesa sa aumang nabasa ko sa dyaryong iyon.

Naabutan ko ang flatmate kong si Pedro Solomon sa salas. Nanunuod naman ng news sa hologramic TV na pinagipunan nya ng limang buwan mula sa kanyang sahod mula sa ramp, advertisement at print-ad modelling. Habang nagbabalita ang magandang anchor na si Anne Murfis, ang pagkakatunganga naman ng kumag ay mala-statwa na nakanganga. Nawa'y may bangaw na dumaan at magkamaling pasukan ang kuweba.

Featured din sa news ang pagbabanta ng dolyar sa piso, mga nakakapandiring massacres na nangyari at rally sa mendiola. Pareho lang ang nasasabing pagbabanta ng Dolyar sa Piso. Ang hindi ko lubos maisip ay ang kamatayan ng ilang tao. Random naman. Hindi naman lahat sikat. Brutal ang kamatayan nila. Lahat ng katawan ay natagpuan sa isang inabandunang gusali na dating sakop ng mental hospital sa Muntinlupa. Bawat katawan ay nakahimbing sa isang kwarto. Limang bangkay ang di umano ang nakita sa naturang gusali: tatlong babae at dalawang lalake. Sa mga naipakitang imahe sa hologramic TV ni Pedro, ang mga detalye ay parang hindi ginawa ng iisang tao at malamang hindi sya tao dahil sa kabrutalang ginawa sa mga biktima. Binutas ng screwdriver ang mata ng isang biktima, nabulaslas ng malakig blade ang leeg ng isa, pinana ng bakal ang tenga, nahiwa ang bibig hanggang sa natanggalan ng panga ang biktima, at nakasabit na parang baboy na nakapatiwarak ang huling katawang natagpuan. Kung anu man ang motibo sa likod ng mga kaganapang ito, ay isa paring malaking tanong sa mga pulisya at mga imbestigador. Grabe naman ang ginawa sa mga inosenteng tao o kahit man makasalanan sila hindi pa rin makatao ang pamamaslang sa kanila...teka nga muna, may makatao bang pamamaslang?

Isa pang featured na balita ay ang rally sa mendiola. "Trabaho para sa mahihirap; Robots ay i-back out!" mga katagang nakaagaw pansin sa akin habang nanonood sa hologramic TV ng kumag. Totoo na maraming trabaho ang binibigay ng mga kompanya sa Pinas, ngunit ang iba rito ay napupunuan ng mga robots. Mas nakaktipid daw ang mga negosyante sa ganung paraan. Hindi na raw kailangnag swelduhan at alagaan. Grabe, nawawala na ba talaga ang pagiging makatao ngayon sa Pinas? Sa kompanya na lang na pinapasukan ko halos anim napung porsyento ng mga robot na trabahador. Kaya isinusulong sa mendiola ang trabaho sa mahihirap kesa sa robot ang mabigyan ng trabaho.

At commercial break na. Mukha ni Pedro ang nasa hologramic TV at ina-advertise nya ang di mmo inaassahang ina-advertise ng lalake. Ang Freshness Panty Liner at Pads. Ang scenario sa commercial ay para syang tanga na lumalangoy palikod sa hangin na nakatutok sa kanya. Nililipad ang buhok nya sa ulo at maging buhok nya sa kilikili. Nakaboxers lang sya ng kulay pink na hapit-na-hapit. Tapos biglang mapapatingin sya sa kamera hawak hawak ang produkto tapos sasabihin nyang "para sa iyo ito, baby!" at kikindat pa. Mukha syang tukmol sa ginawa nyang iyon.

Sa katunayan nakaka-insecure ang katawan ng mokong na iyon. Ang ipinagtataka ko lang, maganda ang katawan nya, maputi at makinis ang balat pero wala naman syang ibang ginagawa kundi magbabad sa harapan ng kanyang hologramic TV, matulog, kumain at mag exercise na maihahalitulad sa mga hataw ng mga elementary students. Inisip kong baka sa gabi nya trip magwork- out pero ilang gabi ako nagsubaybay pero tulog mantika ang ginawa ng loko. Kaya para matapos ang sakit ng ulo ko tinanong ko na lang siya. Napangiti naman ang kumag. Sinabi kong batugan sya at tinanong bakit napapanatili nya ang katawan nya. Nung una, ayaw nya pang sabihin, matapos ang ilang beses na pagpilit ko sa kumag, bigla syang bumulong na kung maari ay sikreto lang namin. Umiinom daw sya ng "Gym Pills." Di ako nakuntento sa paliwanag nya at sinubukan kong nagresearch.

Ang "Gym Pills" ay isang uri ng naotechnology kung saan nagcocontribute sa working load ng bawat muscle cells. Nang dahil dito, na iistimulate ang mga muscle cells sa mga bahagi ng kamay, paa at tiyan at lumalaki ito naayon sa laki ng katawan. Ang kagandahan nito ay sa mga muscles lang na malalayo ito nakakaapekto. kung kaya napapanatili ni Pedro ang kagandahan ng kanyang katawan. "Beautrition" naman ang tawag sa gatas na iniinom ni Pedro para panatilihing maganda ang kutis nya. May mga sangkap ito na nagpapaputi at nagpapakinis ng balat. Sa walang kapagod pagod na paraan nagiging imahe ng pagkaperpekto ang kumag. Ginatungan pa ako ng kumag para subukan ang mga produkto pero 'di ko pinangarap maging kalangitan ng tukso ng maraming mata ng lipunan.

At di rin nagpaawat ang natanggap kong virtual mail. Sa katunayan, isa syang advertisement mail. SDP Omnitamins. Isang full-packed na multivitamins kung saan kumpleto sa vitamins at minerals na kinakailangan ng katawan. May diluted oxygens na ready to attach sa mga dugo natin sa katawan. May mga certain supplementary nutrients tulad ng lutein, liver nutrients at iba pang nutrients na nakakatulong sa arawaraw na gawain ng katawan. Personalized ang mga bawat tableta ng SDP Omnitamins kasi dinidipende nila sa mga pangangailangan ng katawan.
(kanina ko pa napapansin para na akong nagaadvertise ng ibat bang produkto sa sulatin kong ito. dapat magkaroon ako ng kita rito.haha)

...

Nagpangabot din ang gabi at ang aking antok. Sa ilalim ng itim na kumot, nakalatag ang maririkit na tala. Labing tatlong constellations ang makikita. Malas man ang bilang ngunit swerte pa rin ang hatid sa mga iilan. Ramdam mo pa rin ba ang init ng karimlan o mas nauunawaan mo ang lamig ng kasakiman. Sa isang araw na pangayaring ito, aking napagtanto ano nga ba ang buhay sa maynila noong wala pang makabagong sasakyan? Ano ang amoy ng Pinas noong ang dolyar ang yumayapagpag sa hangin? Maraming tanong ang hindi ko rin lang masagot pero alam kong mas marami pang tanong ang mangugulo pa sa akig isipan.

Ang tagal ko nang hinahanap ang mga barker, tindero sa bangketa, takatak boys at mga punas kids na tinutukoy sa mga librong pinagaaralan natin. Mga nangyaring usok sa mga nanggaling sa jeepneys ng mga Pinoy ilang taon ng nakalipas. Nasaan na ang mga kabayo at kalesa sa daan na ipininta ng mga naunang Pinoy? Malaki na kaya talaga ang ikinaiba ng Pilipinas. Sa pangalan pa lang, baka nga ako na lamang ang nakakaalam na ang bansang ito ay tinawag na Pilipinas. Ako na lang siguro ang may pakialam sa kamalayan ng pagiging Filipino. Hindi na kasi Pilipinas ang tawag sa bansang kinatatayuan natin; Republic of PXV. Makabago na rin ang pangalan. Ayon sa mga nababasa kong articles around sa net, nangangahulugan ang "PXV" ng "Philippines in Extreme Version." Kung baga, makabago na talaga ang Pilipinas. Ibang level na!

Ang jeep at tricycle na sagisag ng pagkakapinoy, na ngayo'y matatagpuan na lamang sa dumpsites at kiluhan ng mga bakal. Ang mga epekto ng labanan ng dolyar at piso sa pandaigdigang kalakal. Ang pagkakagawa ng mga robots at pagkakahumaling ng mga tao rito. Hindi ko maunawaan ang pagiisip ng tao. Sila ang nagtayo ng isang bagay na magbubuklod sa kanila ngunit sila rin ang sumunog sa relicang iniwan ng mga nagpapanggap na mga diyos. Ang flatmate kong si Pedro ay iilan lang sa mga taong hindi pa rin kuntento sa pansariling imahe. Sa pagkakatuklas ng mga bagay na nagpapadali ng buhay, halos lahat na lang ay magiging imahe ng kalaswaan at katuksuhan. Hindi ba pwedeng putulin ang mga kamay ng mga politikong gahaman sa pera tulad ng ginagwa nila sa panahon ng wala pang mga gusali kundi mga nipa lang. Anung uri ng pagiisip ng tao ang meron kung papatay siya ng mga tao sa isang lugar na nakakatakot o grupo sila ng mga anti-social at gumagawa ng experiments kung panu patayin ng brutal ang mga nilalang sa mundo? Bakit nga ba kailangang palitan ng robot ang mga tao? Sino nga ba ang tanga, ako, ikaw o sya?

...

Anak ka nang pusang taong gala! Takot na takot ako, namumuo ang mabutil kong pawis sa buong katawan habang nakatayo pa ang mga balahibo ko. Nakatulog ako at sa aking pagkakahimbing nanaginip ako...

May magkasintahan ang nasiraan ng sasakyan sa isang madilim na lugar. Ginawa na lahat ng lalaki ang kanyang magagawa ngunit ayaw talagang makisama ng sasakyan. Napagdesisyunan ng lalaking humingi ng tulong. Sinabi nya sa kanyang kasintahan a "hihingi ako ng tulong at magbabalik ako. Kukunin ko ang susi at isara mo lahat ng bintana at pintuan." Pumayag naman ang babae. Ilang Minuto ang nakalipas, may isang baliw ang lumapit sa sasakyan at kumanta ng "twinkle, twinkle little star.." na ang ngiti ay nagpapangabot hanggang tenga. Inikot nya ang sasakyan at sinundan naman sya ng tingin ng babae. Natatakot na ang dalaga. Muling kumanta ang lalaki ng "twinkle, twinkle little star..." at inikot ang sasakyan. Laking gulat ng dalaga na hawak na niya ang duguang ulo ng kasintahan. Muling umikot ang baliw at muling kumanta ng "twinkle, twinkle little star." Humihiyaw na ng tulong ang dalaga at takot na takot. Itinaas ng baliw ag kanyang kamay at biglang ipinakita ang susi ng sasakyan at ngumiti ng sobrang pangabot tenga ang baliw. Napaiyak na sa takot at lalo pang lumakas ang hiyaw ng dalaga. Biglang kumalampag sa likod ng dalaga ang baliw...

Nagising na ako na sumisigaw at pawis na pawis. Putchakong panaginip na yan. Sige, ito muna sa ngayon. Sa susunod ulit.

Sumasai


Anto

...

Boses ng matandang babae: "Hoy! Anong ginagawa mo jan putragis kang batugan ka! Anu yan ha?"

Boses ng may edad na lalake: "Itong mga papel na to? Sus! walang kabuluhan, binasa ko lang muna bago ko ginamit pang siga ng apoy sa uling, ng makaluto na ng instant kanin. paki labas na lang yung napulot kong toyo at mantika jan para magkalasa naman ang mapusyaw na kapiranggot na kanin na to. 2111 na nga, pero hanggang ngayon patay gutom parin ako... letseng buhay!"